Umabot na sa apat na mga barangay sa Caluya, Antique ang naapektuhan ng tagas ng langis mula sa lumubog na motor tanker na Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Broderick Train, head ng Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nito na tinatayang nasa 800 na mga pamilya ang apektado ng oil spill sa Barangay Semirara, Tinogboc, Sibolo, at Harigue sa nasabing bayan.
Ayon pa kay Train, inayudahan na ng Department of Social Welfare and Development ang apektado na mga pamilya, mangingisda, at vendors.
Nagpalabas rin ng executive order si Caluya Mayor Rigil Kent Lim kung saan nakasaad na suspendido ang lahat ng fishing activities at pag-harvest ng marine resources sa areas na may kumpirmadong oil slick.
Nanawagan rin ito ng bayanihan sa paggawa ng improvised spill boom upang maiwasan ang pagkalat ng langis sa karagatang sakop ng lalawigan.
Inabisuhan naman ng Department of Tourism Region VI ang mga turista na iwasan muna ang mga water activities sa mga areas sa Caluya, Antique na apektado ng oil spill.