-- Advertisements --

Nakabinbin pa umano sa tanggapan ng kalihim ng Department of Health (DOH) ang apela ng French pharmaceutical firm na Sanofi Pasteur ukol sa pagbawi sa certificate of product registration ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ang hirit na ito ng Sanofi ay kaugnay na rin ng paglobo ng kaso ng dengue sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon kay DOH USec. Eric Domingo, hindi pa raw naaaksyunan ng opisina ni Sec. Francisco Duque III ang apela ng kumpanya kaugnay sa kontrobersyal na bakuna na kanilang inihain noong nakaraang linggo.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Domingo na hindi available at hindi magagamit sa Pilipinas ang Dengvaxia, na sinasabing dahilan ng pagkamatay ng ilang kabataan na naturukan ng bakuna.

Una nang sinabi ni Duque na nakapagtala na raw sila ng mahigit 115,000 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo 6, na 85% mas mataas kumpara sa mahiit 57,000 kaso lamang sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Noong Pebrero nang bawiin ng Food and Drug Administration (FDA) ang certificates of product registration ng Sanofi dahil sa hindi raw pagtalima nito sa government rules and regulations.

Ngunit sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo nitong Miyerkules, bukas umano sila na ibalik ang Dengvaxia kung mapapatunayang ligtas na itong gamitin ng publiko.