Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles para maabswelto sa kaso nitong plunder may kinalaman sa misuse ng priority development assistance fund (PDAF) ni dating party-list congressman Edgar Valdez.
Sa isang resolution na inilabas noong Hulyo 4, hindi pinagbigyan ng anti-graft court Fifth division ang memoradum mula kay Napoles na naglalaman ng buod ng mga argumento nito at mga ebidensiya na iprinisenta ng kaniyang kampo sa pagdinig.
Sa naturang memorandum, sinabi ni Napoles na nabigo ang Office of the Ombudsman na patunayang siya ay guilty beyond reasonable doubt.
Subalit ayon naman sa Fifth Division na ibinasura ang memorandum ni Napoles dahil huli na itong naghain ng naturang memo.
Ayon pa sa korte na nag-isyu ng isang resolution noong Enero 16 ng kasalukuyang taon na naguutos sa mga partido na sangkot para maghain ng kani-kanilang memorandum sa loob ng 30 araw.
Kapwa naman aniya naghain ng memoranda sina dating Cong. Valdez at ang proseksuyon noong Pebrero 15 at 20 habang si Napoles ay naghain ng kaniang memo noon lamang Marso 31 o mahigit isang buwan na mula ng magpaso ang itinakdang deadline.
Nabigo rin aniyang magpaliwanag si Napoles kung bakit ito nahuli sa pagsusumite ng memo at iginiit na hindi paglabag sa karapatan ni Napoles para sa due process ang hindi pagtanggap sa kaniyang apela.
Paliwanag pa ng anti-graft court ang paghahain at pagtanggap ng memorandum ay hindi mandatoryo at nasa discretion pa rin ito ng korte.
Kasunod ng pagbasura sa apela ni Napoles, ang kaso ay isinumite na para sa resolution.
Una rito, nakatanggap umano si dating Cong. Valdez ng P57.78 million na kickbacks mula kay Napoles matapos na maglaan ng kaniyang pork barrel sa bogus na non-government organization ni Napoles para sa pagpapatupad ng livelihood projects ng dating kongresista nang ito ay kinatawan pa ng APEC party-list group.
Subalit ayon sa ombudsman ang nasabing mga proyekto ay hindi naipatupad.