HOLLYWOOD, USA – Makakatanggap na rin ng sikat na “Hollywood Walk of Fame star” ang Filipino-American rapper na si apl.de.ap at kanyang grupo na Black Eyed Peas.
Batay sa anunsyo ng Hollywood Walk of Fame organization, kabilang ang Black Eyed Peas sa walong music icons na magkakaroon ng “star icon” sa sikat na Hollywood Boulevard sa Los Angeles, California.
“These honorees were chosen from among hundreds of nominations to the committee at a meeting held on June 14, 2021 and ratified by the Hollywood Chamber’s Board of Directors on June 16, 2021,” nakasaad sa anunsyo.
Taong 1995 nang buuhin ng Pampanga-native na si Allan Pineda Lindo (apl.de.ap) at kapwa rapper na si William James Adams Jr. (will.i.am) ang grupo.
Nakasama rin nila sa Black Eyed Peas ang rapper na si Jaime Luis Gomez (Taboo) at singer na Fergie Duhamel (Fergie).
Sa ngayon ang Pinay singer na si Jessica Reynoso o J Rey Soul na ang pumalit kay Fergie.
Sumikat ang Blacked Eyed Peas sa mga kantang “Where is the Love,” “I Gotta Feeling,” “Bebot,” “My Humps,” at iba pa.
Kabilang pa sa mga music icons na gagawaran ng Walk of Fame star ay sina Avrial Lavigne, DJ Khaled, at Ashanti.
Pati na ang mga aktor na sina Michael B. Jordan (Black Panther), Salma Hayek (Once Upon A Time in Mexico), Jason Momoa (Aquaman), Tessa Thompson (Thor: Ragnarok), at direktor na si Francis Ford Copolla (The Godfather). – CJY