Sisimulan na sa araw ng Lunes, Marso 27 ang aplikasyon para sa compensation ng mga apektado ng tumagas na langis sa Oriental Mindoro.
Ito ang kinumpirma ng insurer ng lumubog na motor tanker na MT Princess Empress na si Atty. Valeriano del Rosario.
Kabilang sa maaring mag-claim ng compensation ay ang mga indibdiwal, korporasyon at lokal na pamahalaang apektado ng oil spill.
Aniya, magbubukas ng mga tanggapan sa mga apektadong mga lugar para sa pag-claim ng compensation.
Sa susunod na linggo, magkakaroon ng tinatawag na claims caravan sa Calapan city, Oriental Mindoro na magsisilbing collecting point ng mga claimant para sa pagsumite ng kanilang kumpletong claim forms.
Una na ring kinumpirma ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa isang pagpupulong ngayong araw na sinimulan na nila ang pagtanggap ng aplikasyon para sa compensation.
Inaabisuhan naman ang claimants na magpadala ng accomplished claim forms sa designated offces kasama ang kanilang supporting documents at proof of financial loss.
Ang matatanggap namang compensation ng mga claimant ay nakadepende sa claimants at kategorya ng kanilang claims.