Pinalawig pa ang deadline ng aplikasyon para sa mga nais mag-trabaho bilang nurse at careworkers sa Japan.
Ayon sa Embahada ng Japan, pinalawig pa ang recruitment hanggang sa Abril 15.
Ang isinasagawang recruitment ay saklaw ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Binuksan ang naturang aplikasyon para mapunan ang 50 nurse positions at 300 careworkers positions sa Japan.
Ang mga matatanggap na aplikante ay sasailalim sa Japanese language training sa loob ng anim na buwan dito sa Pilipinas at anim na buwan sa Japan bago makapagtrabaho sa mga ospital at caregiving facilities sa Japan sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.
Libre ang Japanese language training at may ibibigay na arawang allowance para sa kabuuan ng training.
Sa mga interesadong mag-apply, maaaring sumangguni sa webpage ng Department of Migrant Workers (DMW).