Kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III na muling binuksan ang aplikasyon para sa PUV consolidation sa ilalim ng Public Transport Modernization Program ng pamahalaan hanggang Nobiyembre 28 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Guadiz, muling binuksan ang aplikasyon sa loob ng 45 araw na nagsimula noong Oktubre 15 bilang tugon sa kahilingan ng Senado para makapag-apply na ang mga natitirang PUVs na hindi pa nakapag-consolidate.
Nauna na ng hiniling ng Senado sa kanilang ipinasang resolution na pansamantalang itigil ang pagpapatupad ng modernization program, subalit ayon kay Guadiz bilang concession, nagbigay siya ng 45 araw para sa consolidation.
Nilinaw naman ni Guadiz na papayagan lamang nilang umanib ang mga tsuper at operator ng PUVs sa mga existing na kooperatiba subalit hindi papayagan ang mga ito na bumuo ng kanilang sariling kooperatiba.
Matatandaan na nagpaso ang extended PUV consolidation noong Abril 30, bagamat pinayagan pa rin ng LTFRB ang mga unconsolidated jeepneys at UV Express units na mamasada sa mga rutang may mababang bilang ng nag-consolidate.
Samantala, sa datos nitong Setyembre, iniulat ng Department of Transportation na nasa 83% na ng PUVs ang nakapag-consolidate sa ilalim ng modernization program.