Inanunsiyo ng Australian Embassy na nakabase sa Maynila na bubuksan na sa susunod na taon ang aplikasyon para sa work at holiday visa sa Australia.
Ito ay matapos na pumayag ang gobyerno ng Australia na isama ang mga Pilipino sa bagong visa scheme nito.
Una na ngang inanunsiyo ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang bagong work at holiday visa para sa Autralians at Pilipino sa kaniyang official visit dito sa Pilipinas noong Setyembre 8.
Batay sa Australian Department of Home Affairs, magpapahintulot ang naturang visa sa kwalipikadong nationals na edad 18 anyos hanggang 30 anyos na magkaroon ng extended holiday sa Australia at magkaroon ng short-term work upang matulungan silang masustentuhan ang kanilang biyahe o kaya’y pag-aaral ng hanggang apat na buwan o kaya ay sumailaalim sa tatlong buwan ng “specified subclass 462” work upang maging kwalipikado para sa ikalawang work at holiday visa.
Isa sa mga requirements ay dapat may sapat na funding para suportahan ang sarili habang nasa Australia.
Ayon sa home affairs department, nasa 5,000 Australian dollars o tinatayang PHP180,900 para sa inisyal na pamamalagi sa Australia at karagdagan pang cash na sapat para makabili ng flight ticket pabalik ng pinagmulang bansa.
Samantala, nagkakahalaga naman ng 635 Australian dollars o tinatayang PHP22,974 ang work and holiday visa kung saan bibigyan ang visa holder ng isang taon na pagtira sa Australia.