Binuksan na ng Department of Education (DepEd) ang aplikasyon sa Senior High School Voucher Program para sa school year 2024-2025.
Sa ilalim ng naturang programa, makakatanggap ang mga kwalipikadong mag-aaral sa senior high ng subsidiya sa pamamagitan ng voucher.
Kayat ang mga kwalipikadong voucher applicants ay hinihimok na magsumite ng kanilang aplikasyon online sa pamamagitan ng Online Voucher Application Portal (OVAP).
Ayon sa DepEd, ang deadline para sa paggawa ng OVAP account ay itinakda sa Hunyo 2.
Habang ang deadline naman para sa pagsusumite ng kailangang mga dokumento at aplikasyon ay sa Hunyo 4.
Ilalabas naman ang resulta ng aplikasyon at simula ng paglalabas ng qualified voucher applicant (QVA) certificate sa Hulyo 12.
Binigyang diin naman ng DepEd na hanggang sa Setyembre 13 lamang ng kasalukuyang taon ang paglalabas ng naturang sertipikasyon.
Samantala, ipinaalala ng DepEd na ang mga kwalipikadong mag-aaral ay hindi na kailangang mag-apply para sa voucher kabilang ang estudyanteng tutuntong ng Grade 11 sa susunod na school year na nakakumpleto ng Grade 10 ngayong SY 2024-2025 sa public at private schools na kabilang sa Education Service Contracting grantees.
Hindi naman kwalipikado sa naturang voucher program ang mga estudyante na nagtapos sa high school noong 2015 o naunang mga taon, incoming Grade 12 learners na hindi parte ng SHS VP noong Grade 11 at mga mag-aaral na hindi Pilipino.