Kinumpirma ng Malacañang na nagpadala na ng apology letter ang asosasyon ng mga Chinese fishermen na kinabibilangan ng may-ari ng Chinese fishing boat na nakabangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Ginawa ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Philippine media delegation na nasa China ngayon.
Sa official twitter account ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinumpirma rin ito batay sa ipinadalang kopya ng sulat ng Chinese Embassy.
Sa partial translated version ng Memorandum for the Secretary of Foreign Affairs na galing sa Chinese Embassy na may petsa ngayong araw, Agosto 28, 2019, nakasaad na nalulungkot ang asosasyon ng mga Chinese fishing boats na nasangkot ang isa nilang kasamahan sa isang accidential collision sa Recto Bank o Nansha Island nitong nakalipas na Hunyo 9 na nagdulot ng pinsala sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino ang MV GemVir 1.
Nakalulungkot umanong nangyari ang aksidenteng ito at nakikisimpatiya sila sa sinapit ng mga mangingisdang Pilipino at mabuti na lamang at wala umanong iniwang casualty.
Samantala, hinihintay naman ang opisyal na pahayag ng Malacañang hinggil sa bagay na ito.