Nakatakdang maglagay ng Books of Condolences ang Apostolic Nunciature in Manila sa Abril-29.
Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang publiko na mailabas at maisulat ang kanilang sentimyento, kasunod ng tuluyang pamamayapa ni Pope Francis, ang tinaguriang Pope of the People.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, maaaring isulat ng publiko ang kanilang mga mensahe sa Book of Condolences mula 9AM hanggang 9PM sa Abril-29.
Ilalagay ito sa Apostolic Nunciature of the Philippines na matatagpuan sa Taft Avenue sa Malate, Manila.
Sa loob ng 12 oras, maaaring pumila dito ang sinumang nagnanais magsulat ng kanilang saloobin upang mailabas ang emosyon sa pagpanaw ng Santo Papa na napamahal na sa bawat mamamayang Pilipino.
Taong 2015 noong bumisita ang Santo Papa sa Pilipinas upang bisitahin ang mga biktima ng Super Typhoon Yolanda. Maliban sa Manila, bumiyahe rin siya papuntang Visayas upang personal na mag-alay ng misa para sa mga biktima.