-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ibinahagi ng Department of Science and Technology (DOST) ang isang application na kayang makapagbigay ng impormasyon kaugnay sa mga delikadong lugar o pangyayari kung may maitalang lindol.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay DOST Usec. Renato Solidum, inihayag nito na maaring ma-access ng publiko ang “HazzardHunterph,” isang web application na malaking tulong sa publiko tuwing may pagyanig.

Ayon kay Solidum, maaari lamang i-search ang nasabing app at ilagay lamang ang iyong lokasyon at i-double tap at kaya na nitong sabihin kung gaano ka kalayo sa fault.

Maaari rin nitong ibigay ang mga earthquake hazards na maaring tumama sa tao, kung gaano kalayo ang lokasyon mo sa bulkan at maging ang weather related hazzard na posible mangyaring matapos ang malakas na pagyanig kagaya ng pagbaha, landslide, storm surge o tsunami.

Maliban dito, makikita din ang naitalang lindol sa loob ng isang linggo at maging ang mga aftershocks.

Ito umano ang isa sa ginawang paraan ng ahensya kasama ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology at Mines and Geosciences Bureau para sa assessment ng mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Kaugnay nito, importante pa rin umano ang pagiging alerto at ang hindi pag-panic kung may pagyanig.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang monitoring ng ahensya sa mga naitalang aftershocks at posible pa umano itong madagdagan.