-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa nila inaprubahan ang nominasyon ni Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth Partylist.

Ayon kay Guanzon, ang application for substitution lamang ni Cardema ang binigyan ng Comelec ng “due course” at hindi ang nominasyon nito bilang kinatawan ng naturang partylist.

Sa inilabas na resolusyon ng Comelec, limang commissioner ang pumabor na bigyan ng due course ang aplikasyon ni Cardema bilang Duterte Youth representative habang isa naman ang kumontra at isa ang nag-abstain.

Dagdag ni Guanzon, hindi pa raw “granted” ang substitution ni Cardema dahil na rin sa mga kumukontra na maging kinatawan ito ng youth sector partylist.

Sa mga opposition, iginiit ng ilang grupo at indibidwal na 30-anyos lamang ang pasok na maging kinatawan ng youth group at hindi na pasok dito si Cardema dahil 33-anyos na ito.

Kasunod nito, ipinag-utos na ng Comelec sa Duterte Youth Partylist na i-publish ang kanilang Revised List of Nominees sa dalawang pahayagang mayroong general nationwide circulation.

Ang publication ay sasagutin ng naturang partylist at kailangan nilang magsumite sa Comelec ng proof of publication.