-- Advertisements --

Tatanggap na ng aplikasyon ang Philippine National Police (PNP) at Commission on Election (Comelec) para sa mga kandidatong nagnanais na kumuha ng exemption sa ipatutupad na gun ban sa panahon ng halalan, simula ngayong araw December 1, 2021.

Inihayag din ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos na maaari na ring mag-apply para naman sa security detail ang mga kandidato lalo na iyong may mga kinahaharap na seryosong banta sa kanilang seguridad.

Ayon kay Carlos, mangyari lamang gawin online ang kanilang mga request o magtungo lang sa website ng Commission on Elections (Comelec) na www.comelec.gov.ph

I-download, i-print at pirmahan lang ang CBSFC form mula sa website ng Comelec at ilakip ang 2×2 picture, threat assessment gayundin ang CBSFC form na ibibigay ng concerned government agency.

Magsisimula ang election period sa January 9, 2022 hanggang June 8,2022.

Inaabisuhan din ng PNP ang mga pulitikong may mga security detail sa kasalukuyan na ire-recall na ang mga ito habang kailangan nilang mag-apply muli at pinoproseso ang kanilang aplikasyon.

Ang mga na recalled na police security detail ay nakatakdang sumailalim sa VIP Security and Protection Refresher Course.

“Under the COMELEC Resolution 10728, the poll body set regulations on the ban on the Bearing, Carrying or Transporting of Firearms or Other Deadly Weapons; and Employment, Availment or Engagement of the Services of Security Personnel or Bodyguards in the duration of the Election period from January 9, 2022, to June 8, 2022, ” pahayag ni Gen. Carlos.

Nilinaw naman ni PNP spokesperson Col. Roderick Augustus Alba na exempted sa recall ng mga security detail ay mga government officials gaya President, Vice President, Senate President, Speaker of the House of Representatives, Chief Justice of the Supreme Court, Secretary of National Defense, Secretary of the Interior and Local Government, Chairman and Commissioners of COMELEC, Chief of Staff, AFP, AFP Major Service Commanders, Chief PNP at Senior Officers ng PNP.