Hindi na kagulat-gulat para sa karamihang senador ang naging pagtanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Liberal Party (LP) president Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, hindi nabigyan ng kapangyarihan ang bise presidente para gampanan ang trabaho nito, pero hinahanapan ng malaking resulta.
Naniniwala ang LP official na sadyang inilagay doon ang vice president para ipakitang bigo ito, ngunit lumalabas na mas bigo ang administrasyon sa kanilang plano.
Giit ni Pangilinan, kitang-kita sa pangyayari na walang isang salita ang Malacanang.
Pinangakuan umano ng buong suporta si VP Leni, ngunit wala naman talagang naipabigay na poder hanggang sa ito ay sibakin na lamang.
Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na hindi na nakapagtataka mula sa umpisa ang appointment at kalaunan ay pagsibak kay Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) noong Nobyembre 6, 2019.
Kita naman daw ang balak para si VP ang masisi sa problema sa iligal na droga.
“Hindi nakakapagtaka o nakakagulat. Simula pa lang, alam na natin ang tunay na intensiyon ng gobyernong ito,” pahayag ni Hontiveros.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, tinawag nitong “boring” ang appointment ng Palasyo sa bise presidente.
Mas exciting pa nga raw na malaman ngayon kung sino ang pinagtatawanan dahil sa mga development na ito.
Si Lacson ay una nang nilapitan ni Robredo upang hingan ng payo ukol sa kampanya laban sa iligal na droga.
“Not shocking, not surprising, not unexpected. Boring, actually. The more exciting question is, between PRRD and VP Robredo, guess who’s laughing now?” wika ni Lacson.