Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Gonzalo Duque bilang bagong Administrator ng Philippine Coconut Authority (PCA).
Si Gonzalo ay kapatid ni Health Sec. Francisco Duque III at kapwa nito akusado sa kasong plunder sa Ombudsman dahil pag-aari nila ang gusaling inuupahan ng PhilHealth sa Pangasinan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang professional career ni Duque ay nakatuon sa public service na kinabibilangan ng Social Security Commission (SSC) kung saan siya nagsilbing kinatawan ng labor sector.
Ayon kay Sec. Panelo, nagsilbi na rin si Duque bilang vice governor ng Pangasinan mula 1987 hanggang 1992 at bilang deputy administrator ng Philippine Overseas Employment Administration.
Kaya dahil aniya sa kanyang credentials, tiwala silang isusulong ni Duque ang interes at kapakanan ng mga magniniyog.
Kung maaalala sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, inihayag nitong naghahanap siya ng tapat at matinong taong itatalaga sa PCA para matiyak na hindi makukurakot ang mahigit P100 billion coco levy fund.
“With his credentials, we expect a man of competence and integrity in the likes of Mr. Duque to champion the cause of the Filipino cocount farmers,” ani Sec. Panelo.