-- Advertisements --

Samu’t saring reaksyon ang nakuha ng pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Benjamin Diokno bilang bagong governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kagabi nang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang appointment ni Diokno bilang bagong pinuno ng BSP sa ginanap na Cabinet meeting sa Palasyo.

Inilarawan ni Finance Sec. Carlos Dominguez si Diokno bilang isang “seasoned technocrat” at “professional manager,” na dahilan daw upang ito ang karapat-dapat na mamuno sa BSP.

Hindi rin umano matatawaran ang kakayahang magsilbi ni Diokno dahil sa pagiging eksperto nito sa macroeconomics at sa malawak nitong karanasan sa pamamahala sa gobyerno at sa pribadong sektor.

“Dr. Benjamin E. Diokno brings together that elusive combination of seasoned technocrat and professional manager. He knows the inner workings of government and industry, and has repeatedly demonstrated the ability to run a large, complex organization with intellectual leadership and a steady hand,” pahayag ni Dominguez.

“All of these will contribute to his successful stewardship of the Bangko Sentral ng Pilipinas as its next Governor and Chairman of the Monetary Board. His competence is unquestionable, owing to his deep expertise in macroeconomics and extensive senior management experience in government and the private sector.”

Sa pahayag naman ng Malacanang, sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na kampante silang nasa mabuting kamay ang mga banking institutions sa bansa.

“In his new tour of duty in the BSP, we expect incoming Governor Diokno to spearhead reform initiatives that will align the financial institution’s operations with international best practices and improve its corporate viability, among others, in line with Republic Act No. 11211, which was signed into law by President Duterte just last February 14,” saad ni Panelo.

Samantala, nabigla naman ang BSP community at maging ang banking sector sa anunsyo dahil sa inaasahan nilang isa pang taga-Bangko Sentral ang maitatalaga sa puwesto.

Ayon sa financial analyst na si Astro del Castillo, bagama’t isang ekonomista ang kalihim, posibleng panahon pa ang gugulin bago ito makapag-adjust sa kanyang bagong trabaho.

Si Diokno ang tatapos sa termino ng namayapang si dating BSP governor Nestor Espenilla Jr., na tatagal pa sana hanggang Hulyo 2023.

Nitong Pebrero 23 nang namayapa si Espenilla dahil sa sakit nitong tongue cancer.

Agad naman umanong manunungkulan si Diokno sa bago nitong puwesto ngayong araw.

Samantala, uupo naman bilang officer-in-charge sa DBM si Usec. Janet Abuel.