Kasalukuyan nang nirerepaso ng Land Transportation Office ang apprehension protocol nito.
Ayon kay LTO Chief, ASec Vigor Mendoza II, ito ay bilang pagpapabuti sa serbisyo nito sa mga motorista, kasabay ng patuloy na paghuli sa mga sumusuway sa mga traffic rules.
Ayon kay Mendoza, paraan ito ng LTO upang malabanan ang mga anomalya o kurupsyon na posibleng kasangkutan ng mga enforcer, at magawang maging mas transparent ang ginagawang panghuhuli sa mga traffic violator.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ay ang paggamit ng mga enforcers ng body camera, at paggamit ng electronic ticketing sa halip na ang tradisyunal na papel.
Giit ni Mendoza, naaabuso kapag ginagamit ang papel dahil sa umano’y mas madaling magbigay o humingi ng ‘lagay’.
Ayon kay Mendoza, tuloy-tuloy ang pagsasamoderno sa operasyon nito kasabay ng pagpapabuti sa serbisyo ng land transportation sa bansa.