-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patay ang isang apprentice ng isang shipping company matapos nalunod sa Iloilo River na sakop ng Barangay Libertad, Lapuz, Iloilo City.

Ang biktima ay si Sammy Bryle Gonzales, 22, residente ng Zone 6, Barangay Sapabongga, Zamboanga City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Commander Jansen Benjamin, spokesperson ng Coast Guard District – Western Visayas, sinabi nito na habang masama ang panahon sa Iloilo kahapon, naligo ang isa pang apprentice na si Aira Salcedo.

Kalaunan ayon kay Benjamin, habang lumalangoy si Salcedo, nakita umano ito ni Gonzales na unti-unti itong nalulunod at agad namang tumalon ang lalaking apprentice upang tulungan ang kasamahan.

Ngunit dahil sa malakas na current ng tubig, nalunod si Gonzales at isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay.

Ang babaeng apprentice naman ay nasa West Visayas State University-Medical Center at estable na ngayon ang kondisyon.

Napag-alamang masama ang panahon sa Iloilo City at malakas na ulan sa loob na ng iilang araw dala ng Habagat.