Binigyang-diin ni House Appropriations panel chair at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co ang kahalagahan ng socio-economic programs at infrastructure investments na nakapaloob sa 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Rep. Co ang nasabing pondo ay makakatulong sa bawat Filipino na lubhang naaapektuhan ng inflation, epekto ng kalamidad at climate change.
Iginiit ni Co na ang nasabing pondo ay magbibigay ng pag-asa sa mga nasa vulnerable sector na umaasa ng tulong mula sa pamahalaan.
Sa pagsisimula ng Bicameral conference sa pagitan ng Kamara at Senado nuong Huwebes, umaasa si Co na magkasundo sila upang matiyak na ang kanilang layunin ay naka linya sa programs and priorities ng kasalukuyang administrasyon.
Ipinunto din ni Co na ang 2025 national budget ay siyang lifeblood ng ating bansa para maiparating ang mga mahahalagang serbisyo sa taong bayan.
Ibinida rin ni Rep. Co ang mga naging pagbabago sa estado ng bansa nuong nakaraang taon at siniguro nito na ipagpapatuloy ito sa ilalim ng 8-point socio-economic agenda ng Marcos administration.
Partikular na tinukoy nito ang pagbaba ng poverty incidence na pumalo sa 15.5 percent mula sa 18.1 percent nuong 2021.
Ibig sabihin nasa 2.45 million na mga Filipino ang inihaon mula sa kahirapan.