Nagpahayag ng kumpiyansa si House Committee on Appropriations Rep. Elizaldy Co na kaya nilang tapusin ang budget deliberation para sa panukalang 2024 national budget sa loob ng limang linggo kung saan apat na linggo sa komite at isang linggo sa plenaryo.
Ito’y matapos nagtakda ng timeframe si Speaker Martin Romualdez sa komite na tapusin sa higit isang buwan ang pagtalakay sa proposed General Appropriations Bill.
Naniniwala naman si Speaker Romualdez sa kakayahan ng mga house members sa pagbusisi sa panukalang pambansang pondo.
Siniguro ni Speaker na hindi magbabakasyon ang Kamara hanggat hindi naipasa ang pinakamahalagang legislation.
Nangako naman si Co na siyang chairman ng Appropriations Committee na pangunahan ang pagbusisi sa panukalang pambansang pondo sa pamamagitan ng komprehensibo at transparent na budget deliberation process at titiyakin ang maingat na paglalaan ng mga mapagkukunan na pondo.
Inihayag ni Rep. Co na isang karangalan na gampanan ang responsibilidad bilang chairman ng committee at mag-ambag sa napapanahong pagpasa ng 2024 General Appropriations Bill.
Sabi ni Co, tungkulin nila na suriin ang bawat iminungkahing item sa badyet at gumawa ng matalinong mga desisyon na makikinabang sa ating bansa at sa mga mamamayan nito, lalo na sa mga marginalized sector ng lipunan.
Dagdag pa ng mambabatas na kanilang sisiguraduhin na ang P5.768 trillion proposed budget ay mapapakinabangan ng sambayang Pilipino.
Ipinahayag ni Co ang kanyang commitment na itaguyod ang tiwala at kumpiyansa ng sambayanang Pilipino.
Nangako din ito na itaguyod ang fiscal prudence, strategic resource allocation, at transparent na pamamahala.