Nangako si House Appropriations Committee chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co na maghanap sila ng solusyon hinggil sa mga isyu sa pension ng Military Uniformed Personnel (MUP) bago matapos ang taong 2023.
Sinabi ni Co na bilang Chairman ng Appropriations Committee kaniyang trabaho na makipag-ugnayan kay Speaker Martin Romualdez at sa mga kapwa mambabatas upang matiyak na ang mga priority bills ng Marcos Jr. administration ay mabibigyan ng kaukulang pansin dahil susi ito sa pagiging progresibo ng bansa.
“I assure everyone that, before the end of 2023, we will find a viable solution to issues surrounding the MUP Pension that benefits everyone involved,” pahayag ni Rep. Co.
Ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay mayroong 17 iminungkahing priority measures, kabilang ang MUP Pension, na nakikitang magpapalakas ng pagbangon ng ekonomiya at lumikha ng isang enabling environment para sa mga negosyo na inaasahang makapagbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Sa panig naman ng Kamara, naipasa na sa ikatlong pagbasa ang pito sa 17 proposed priority measures. Apat pa ang inaasahang maaaprubahan bago magpahinga ang Kamara ngayong Oktubre.
“We are fully aware of the urgency of these bills and their direct impact on the lives of the Filipino people. These bills represent our commitment to protecting local farmers, promoting fair competition, empowering communities, and harnessing our resources sustainably. Their successful passage will drive our country’s progress towards a brighter and more prosperous future for all Filipinos,” punto ni Co.
Inilahad naman ng mambabatas na target maipasa ng Kamara ang anim pang priority bills bago ang December 31,2023.
Ito ang MUP Pension, Motor Vehicle User’s Charge, Revised Procurement Law, New Government Auditing Code, Rationalization of Mining Fiscal Regime, at National Water Act.