Nagbabala si House Appropriations Committee chairman Isidro Ungab sa posibleng pagkadiskaril ng kanilang schedule sa pag-apruba ng General Appropriations Bill matapos na harangin ni Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte ang pagsalang ng 2020 national budget sa first reading sa plenaryo ng Kamara noong nakaraang linggo.
Sa kanyang liham kay Villafuerte, iginiit ni Ungab na “established procedure and practice” na ng House appropriations committee ang pagbalangkas ng GAB pagkatapos na maisumite ng Ehekutibo ang National Expenditure Program (NEP).
Bukod sa patapos na ang printing ng APO-NEDA sa GAB, tuloy pa rin ang mga naka-schedule na budget briefings na nakatakdang matapos sa Setyembre 6 para magawan na rin ito ng Committee report sa Setyembre 10.
Sa katunayan, itinakda na rin aniya na magsimula sa Setyembre 12 ang plenary deliberations sa panukalang pondo para sa susunod na taon at target na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Oktubre 4.
Tiyak na maapektuhan aniya ang schedule nila na ito ng mungkahi ni Villafuerte na bawiin at amiyendahan ang inihaing House Bill 4228.