-- Advertisements --
ILOILO CITY – Hinihintay pa ng Kamara ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa maayos na pagpapalit ng pinuno sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, sinabi nito na matagal nang pinaghandaan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagbaba sa pwesto at paghalili sa kanya ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na siyang pinuno ng PDP-Laban.
Ayon kay Defensor, magaganap ang transition sa kalagitnaan ng budget deliberation sa Oktubre.
Napag-alaman na ang pagpapalit ng house speaker ay bahagi ng napagkasunduan ng mga mambabatas kung saan maghahati sina Cayetano at Velasco sa pwesto.
Mananatili naman bilang majority leader si Leyte Rep. Martin Romualdez.