May dalawang araw pa para sa fans ni April Boy Regino na hindi pa nasisilayan sa huling pagkakataon ang kanilang idolo.
Ito’y base sa anunsyo ng ngayo’y biyuda ni April Boy, na sa darating na Linggo pa, December 6, ihahatid sa kanyang huling hantungan ang OPM (Original Pilipino Music) icon.
Ayon kay Madelyn Regino, alas-2:00 ng hapon ililibing si April Boy sa Valley of Sympathy Memorial Park Antipolo City.
At tulad sa halos isang linggong burol, nagpahiwatig uli si Madelyn na bukas sa publiko ang magiging seremonya ng libing basta’t tatalima sa social distancing at magsuot ng face mask.
Nitong araw ng Linggo ng madaling araw nang pumanaw ang tinaguriang ’90s Jukebox King sa ospital sa Antipolo City, dahil sa chronic kidney disease stage 5 at acute respiratory disease, sa edad na 59.
Una nang na-diagnose si April Boy na mayroong prostate cancer noong 2009, at naging cancer free naman noong 2013.
Gayunman, dinapuan siya ng congestive heart failure kung saan nahirapan daw siyang huminga hanggang sa naging “bedridden” matapos ma-confine sa ospital ng dalawang araw.
Sunod na naging sakit nito ay ang diabetes, dahilan para mabulag ang kanyang kaliwang mata ngunit unti-unti ay nagamot din noong sumailalim sa medication.
Ilan sa mga awitin ni April Boy, na madalas ay bida rin sa mga videoke ang “‘Di ko kayang tanggapin,” “Umiiyak ang Puso,” “Paano ang puso ko,” at marami pang iba.
Naulila niya ang kanyang misis, dalawang anak, at isang apo.
Ang April Boys ay grupo ng mang-aawit sa Pilipinas na kasalukuyang binubuo ng magkapatid na Vingo at Jimmy Regino.