LEGAZPI CITY – Magpapatawag ng pulong ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) upang mailatag ang mga abiso at guidance sa mga local disaster management officials.
Kaugnay ito ng magiging epekto sa lalawigan ng Bagyong Kammuri na papangalanang “Tisoy” sakaling pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay APSEMO Chief Dr. Cedric Daep, pagtutuunan muna ng pansin sa ngayon ang family preparedness ng mga nasa komunidad.
Aniya, walang dapat na ikabahala kung matiyak na handa ang mga kinakailangan bago pa man maramdaman ang epekto ng sama ng panahon.
Pakaisipin umano na mahina man o malakas at tumama man sa Albay o hindi ang bagyo, susi ng kaligtasan ng mga kababayan ang maiging paghahanda.
Pangunahing dapat suriin ang bahay kung kakayanin ang malakas na hangin at ulan o kaya’y nasa lugar na may banta ng pagbaha, storm surge, pagguho ng lupa at pagdaloy ng lahar.
Magbababa naman ng kautusan ang lokal na pamahalaan sakaling kailanganin ang preemptive evacuation kaya’t ihanda na rin umano ang mga gagamitin sa posibleng paglikas.
Payo pa sa mga mangingisda sa lalawigan na huwag na munang pumalaot dahil sa nakataas na gale warning sa eastern seaboard ng Southern Luzon o sa Camarines Norte, northern coast ng Camarines Sur, Catanduanes, eastern coast ng Sorsogon, Quezon kabilang ang Polilio Island.