-- Advertisements --

ILOILO CITY – Inaasahang masosolusyunan na ang problema sa kakulangan ng local supply ng galunggong sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang aquaculture experiment sa Iloilo.

Pinapatunayan kasi ng mga researcher na posible ang produksyon ng nasabing isda sa hatcheries.

Ang naturang pag-aaral ay isinasagawa ng team mula sa Southeast Asian Fisheries Development Center-Aquaculture Department at pinaniniwalaang pinakaunang successful attempt na ma-breed sa hatcheries ang galunggong o round scad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa head researcher na si Ma. Irene Cabanilla-Legaspi, sinabi nito na inumpisahan ang pagkolekta ng galunggong breeders noong Agosto at Oktubre 2021.

Nag-umpisa itong mangitlog pagsapit ng Disyembre 2021 at nakita naman na mabilis ang paglaki ng fingerlings sa loob ng 50 araw.

Napag-alamang kilala ang galunggong bilang poor man’s fish ngunit dahil sa kakulangan ng local supply nito, tumaas ang presyo, at umabot pa sa P250 hanggang P300 per kilo.

Ang kakulangan nito ang isa rin sa mga dahilan kung bakit inaprubahan ng Department of Agriculture ang kontrobersyal ng pag-import ng isda mula sa ibang mga bansa.