-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na sa siyam ang sugatan sa sunod-sunod na pagsabog sa dalawang bayan sa Maguindanao ilang oras bago pa man ang pagbukas ng mga presinto ngayong araw mismo ng eleksyon.

Ito ang inihayag ni Col. Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Pangcog, unang ginulantang ng malakas na pagsabog ang bayan ng Datu Unsay at Shariff Aguak sa Maguindanao pasado alas-7:00 kagabi na sinundan naman kaninang madaling araw o ilang oras bago ang halalan.

Ang siyam na kataong sugatan ay mula sa pagsabog na naganap malapit sa Municipal Hall ng Datu Unsay sa Maguindanao.

Gayunman, nagpapasalamat pa rin ang mga sugatan na pawang minor injuries lamang ang natamo ng mga ito.

Maliban sa Datu Unsay Maguindanao, dalawang pagsabog din ang naganap sa national highway ng Shariff Aguak sa parehong lalawigan.

Ayon kay Col. Pangcog, M79 grenade launcher ang ginamit ng mga armadong kalalakihan na sa ngayon ay inaalam kung anong grupo ito na nais magsagawa ng kaguluhan sa araw ng eleksyon.

Samantala sa South Cotabato, naitala ang tensyon sa bayan ng Lake Sebu matapos na may mga armadong kalalakihan na nananakot umano at sinasabing mga private armies sila ng isa sa mga kandidato sa probinsiya.