Hindi man nakarating nitong umaga sa aktibidad ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City ipinaabot pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mensahe nito ngayong Araw ng mga Bayani.
Humalili sa pangulo bilang panauhing pandangal si House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang mensahe, hinimok ng pangulo ang publiko na kilalanin at gunitain ang iba pang bayani ng bansa na tila hindi nabibigyan ng pansin.
Ayon sa pangulo, hindi nagtatapos sa mga bayaning makikita sa pera at estatwa ang bilang ng mga nakipag-laban para sa kalayaan ng bansa.
“I call on the Filipinos to reflect on our history and “honor the brave souls who courageously fought for our freedom and the democratic ideals upon which our nation was founded,” ani Duterte sa speech na binasa ni Cayetano.
“Their collective sacrifice has made it possible for us to enjoy the blessings of liberty and to continue strengthening this great nation that they have left behind.”
“We recognize their heroism not only by erecting statues in their honor, but by uplifting the welfare of the poor and marginalized for it is through our small deeds that their spirit of valor can live on.”
“Let us make our forebears proud of our triumphs as a people by being everyday heroes who will reach out to those who are in need, especially to the ones who have been neglected by society.”
Bukod sa pangulo, nagpahayag din ng parehong sentimyento ang alkalde ng Taguig City na si Lino Cayetano.
Para sa alkalde, maituturing din na bayani ang mga beterano ng digmaan na isinugal ang buhay para matamo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop.
Sinabi ng malapit sa pangulo na si Sen. Bong Go, puyat at loaded na weekend ang dahilan kung bakit hindi nakasipot ang pangulo sa aktibidad nitong umaga.
Inabot daw ito ng alas-4:30 ng madaling araw kanina sa pagpirma ng mahahalagang dokumento at meeting kasama si Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na itutuloy pa rin ng presidente ang biyahe nito mamayang hapon sa Calbayog, Samar para bisitahin ang pamilya ng dalawang sundalo na namatay sa engkwentro ng New People’s Army.