Sinuspinde na ng state weather bureau ang araw-araw na pagbibigay ng report ukol sa heat index.
Ito ay kasabay ng umano’y tuluyang pagbaba ng bilang ng mga lugar sa buong bansa na nakakaranas ng mapanganib na ‘heat index level’ kasunod na rin ng pagpasok ng tag-ulan.
Ayon sa ahensiya, sunod-sunod na rin ang mga nangyayaring pag-ulan at mga pagkulog sa malaking bahagi ng bansa at natapos na rin ang El Niño phenomenon.
Katwiran pa ng ahensiya, mahalagang makapagbigay ng tama at napapanahong impormasyon kaugnay sa mga panganib at maaaring impact ng tag-ulan.
Samantala, ibabalik naman ang arawang paglalabas ng heat index simula sa March 1, 2025, kung kailan inaasahan muli ang pag-iral ng mainit at tuyong panahon sa maraming bahagi ng bansa.
Batay sa record ng ahensiya, ang pinakamataas na heat index ngayong taon ay naitala sa Guiuan, Eastern Samar.
Umabot noon sa 55°C ang heat index at naitala ito noong May 26 at May 28.