Hinimok ni Archbishop Socrates Villegas ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ang mga Pilipino na huwag ng palawakin ang dibisyon sa bansa kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pastoral letter ng Arsobispo kasabay ng ikalawang linggo ng kwaresma, hinikayat niya ang mga Pilipino na palawakin ang espasyo para sa kahinahunan.
Nanawagan din si Villegas sa mga Pilipino na “huminto at suriin” ang mga sources of fact sa gitna ng nagkalat na mga maling impormasyon sa cyberspace dahil marami aniya ang tila nilalamon ng “polluted well of fake news”, nabulag ng sentimentalismo, bulgarity, karahasan at mob rule.
Ipinunto din ng Arsobispo na hindi kalooban ng Diyos na tayo ay magkawatak-watak, kundi ng dyablo para sirain ang ating pagkakaisa at baliin ang ating kabuuan.
Inihayag din ng Arsobispo na sa panahon ng kwaresma tinatawag tayo para maging responsable sa kung ano tayo ngayon bilang isang nasyon sa halip na sisihin ang iba.
Lahat aniya tayo ay nag-ambag sa pandemyang ito ng kriminalidad at kasalanan. Kayat dapat aniyang magsimula tayo sa pagpuna sa sarili at buksan ang ating sarili sa isang bagong uri ng pagkamakabayan batay sa pananampalataya at hindi sa ideolohiya o partisan politics dahil ang landas aniya tungo sa kabayanihan ay nagsisimula sa pagsisisi.
Mensahe din ng Catholic leader na huwag hayaang magsaya ang “Prinsipe ng Kasinungalingan at Dibisyon”. Sa halip, pakinggan ang salita mula sa transfiguration mountain na makinig sa Anak ng Diyos.