-- Advertisements --

Hinikayat ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga estudyante na magsalita ukol sa pulitika, kasabay ng paggunita sa ika-39 na anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution ngayong araw, Feb. 25.

Apela ni Villegas sa mga estudyante na huwag paniwalaan ang mga nagsasabi na dapat ay tumahimik ang simbahan ukol sa mga political matters.

Sa halip na tumahimik, dapat aniyang maging aktibo ang mga ito at makibahagi sa mga bagay-bagay na makaka-apekto sa bansa at sa buong mundo.

Binigyang-diin ni Villegas ang pangangailangang matanggal ang mga pulitikong hindi sumusunod sa Diyos, nagnanakaw sa pondo ng gobiyerno, at mga hindi sumusunod sa batas, bagay na maaari aniyang magawa sa nalalapit na halalan sa Mayo.

Para sa mga Kristiyano aniya, kasalanang mabuhay lamang para sa sarili, bagkus dapat na mabuhay para sa kapwa.

Bilang unang Rector ng EDSA Shrine, iginiit ni Villegas ang pagnanais niyang manatili ang diwa ng EDSA People Power, lalo na sa mga kabataan.

Aniya, ang EDSA ay tungkol sa Catholic faith na naghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng human rights abuse.

Ito aniya ay ukol sa Catholic faith na nagproproklama ng katotohanan, lumalaban sa korupsyon sa gobiyerno, at paninindigan para sa mga naaapi.