Naglabas ang Roman Catholic Archdiocese of Manila (RCAM) ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng lockdowns sa mga simbahan dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases.
Sa circular 2022-03 na pirmado ni Archbishop Jose Cardinal Advincula, sinabi nito na ipapatupad lamang ang temporaryong pagsasara ng simbahan base na rin sa pagpapasya ng pari sa pakikipagpulong sa parish pastoral council, local government units, health authorities at ilang mga concerned government agencies.
Maari lamang mabawasan ang pagkakaroon ng lockdown kung naipapatupad ang minimum health protocols.
Maipapatupad lamang ang temporaryong pagsasara ng simbahan kapag mayroon ng kumpirmadong kaso ng pagkaka-expose sa close contact sa parish office.
Magugunitang ilang mga simbahan gaya ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Makati at National Shrine of Saint Jude Thaddeus sa Maynila ang nag-anunsyo ng pagsasara dahil sa may ilang personnel nila ang nagpositibo sa COVID-19.
Isasara ang National Shrine of Our Lady of Guadalupe mula Enero 4 hanggang Enero 17 habang ang National Shrine of Saint Jude Thaddeus ay nakasara na mula pa noong Disyembre 31, 2021 hanggang Enero 14, 2022.
Maging ang Minor Basilica of the Black Nazarene o ang Quiapo Church at Sta. Maria Goretti parish church sa Paco, Maynila ay nag-anunsiyo ng kanilang pansamantalang pagsasara.