Ipinag-utos ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagdarasal sa ‘Oratio Imperata para sa Bayan’ simula sa ikatlong linggo ng Kuwaresma (3rd Sunday of Lent).
Ito ay papatak sa Marso 22-23 ngayong taon.
Batay sa Circular No. 2025-19 na inilabas ngayong araw, layon nitong makamit ang kapayapaan, katarungan, at pagkaka-isa, sa gitna na rin ng tumitinding away-pulitika sa bansa.
Nakasaad pa sa circular ni Cardinal Advincula na kasabay ng nasaksihang mga pangyayari sa nakalipas na mga araw, lumabas ang magkakaibang opinion at mga pananaw sa iba’t-ibang mga plataporma.
Giit nito, ang buong bansa ay nasa panahon ng krisis, tunggalian, at labis na pagkalito.
Dahil dito, mabuti aniyang magkaisang manalangin – ang pangunahing hakbang para maabot ang hinahangad na kapayapaan, hustisya, at pagkakabuklod-buklod.
Sa pamamagitan ng panalangin, umaasa ang Manila Archdiocese na pakikingan ng Diyos ang kahilingan ng bawat isa at pagalingin ang mistulang nagkakawatak-watak na bansa.