-- Advertisements --

Nais umano ni Ricardo “Ardot” Parojinog na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang humawak ng kanyang kaso.

Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde, batay sa kaniyang nakuhang impormasyon, sumulat si Parojinog na gusto niyang mailipat sa NBI ang kaniyang kaso.

Ipinaliwanag naman ni Albayalde na nakadepende ang paglipat ng kaso sa magiging desisyon ng Department of Justice (DOJ).

Pero kung sakaling pagbigyan naman ng DOJ, ang kahilingan ay nakahanda naman sila na sumunod dito.
Samantala, inamin naman ng hepe ng PNP na sa ngayon ay limitado lang ang kanilang natatanggap na impormasyon kay Parojinog.

Sinabi ni Albayalde nasa kustodiya kasi ngayon ng mga prosecutor sa Taiwan si Parojinog at wala sa Taiwan police.
Bukod dito, bawal din ang pagtanggap ng bisita kay Parojinog kaya maging ang Taiwan police ay hindi rin otorisadong makalapit.

Magugunitang nagtago ng 10 buwan si Ardot matapos ang raid sa compound ng mga Parojinog sa Ozamiz kung saan napatay matapos manlaban umano ang kapatid nito na si Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr., na kabilang sa mga politikong nasa narco-list ng Pangulong Duterte.