Naniniwala si Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. na malaki ang partisipasyon ng naarestong Canadian national sa tone-toneladang shabu na nasabat ng mga otoridad sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas.
Ito ang inihayag ng kalihim matapos niyang iharap sa Media ang naturang dayuhan na kinilalang si Thomas Gordon O’Quinn o alyas James Toby Martin ngayong araw sa Kampo Crame, Quezon City.
Paglilinaw ni Sec. Abalos, naaresto si O’Quinn nang dahil sa red notice na inilabas ng International Police Commission laban sa kaniya na nangangahulugan lang aniya na maging sa ibang bansa ay mayroon din itong kinakaharap na mga kaso.
Samantala, sa ngayon ay hindi na nagbigay pa ng mga dagdag na mga detalye si Abalos hinggil sa nasabing isyu ngunit inihayag niya na mayroong iba pang mga Foreign nationals ang kanilang kasalukyang tinutugis pa kaugnay pa rin sa nasabing isyu.
Matatandaan na naaresto ang naturang suspek sa Tagaytay City habang nitong Mayo 17, 2024 ay nakapagsampa na ang mga otoridad ng kaso laban sa naturang dayuhan habang nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang international cooperation alinsunod pa rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.