-- Advertisements --

Malalimang iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang isang Chinese national na naaresto kamakailan lang sa Makati City.

Ito ay matapos na mabuking na nagmamay-ari ng mga high-tech at military-grade gadgets ang naturang suspek na dati rin palang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators.

Ayon kay PNP-CIDG Spokesperson PLtCol. Imelda Reyes, hinuli ng kapulisan ang suspek dahil sa ginawa nitong panunutok ng baril.

Ngunit nang arestuhin sa kaniyang tahanan ay doon na tumambad sa mga operatiba ang iba’t-ibang mga high-tech na gadgets, equipment set na may circuit board, portable power station, military-Grade drone, high-powered firearm, at isang bundle ng tig-iisang libong piso na pera.

Aniya, salaysay ng suspek na nag-iisa lamang daw ito na namumuhay sa bansa ngunit naging palaisipan ngayon sa mga otoridad kung bakit mayroon siya ng ganitong uri ng mga gadget kung siya ay nag-iisa.

Bukod dito ay ipinunto rin ng opisyal na ang ilan sa kanilang mga nakumpiska ng gadget ng nasabing Chinese national ay wala ang PNP, dahilan kung bakit nagpasaklolo na rin aniya sila sa mga eksperto upang I-validate ang mga ito at alamin na rin kung ano ang kaniyang operasyon ginagawa.

Kaugnay nito ay mahirap din ang komunikasyon sa pagitan ng mga pulis at suspek sapagkat hindi ito marunong magsalita sa wikang ingles, ngunit inamin nito na siya ay nasa lima hanggang anim na taon nang nagtatrabaho sa isang POGO.

Samantala, sa ngayon ay mananatiling nasa kustodiya ng CIDG-NCR Custodial Center ang Arestadong Chinese national habang nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan laban sa kaniya, at habang hinihintay pa rin ang ilalabas ng kautusan ng korte ukol dito.