-- Advertisements --

Walang balak ang Philippine National Police (PNP) na ipa-deport ang naarestong Indonesian terrorist na si Muhammad Ilham Syaputra pabalik ng kaniyang bansa.

Ayon kay PNP chief police dir. Gen. Ronald Dela Rosa, ito ay dahil kasalukuyang nahaharap sa kasong kriminal sa bansa si Syaputra.

Noong nakaraang Huwebes sinampahan na ng kasong rebellion, illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa International Humanitarian Law si Syaputra sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa kanyang partisipasyon sa giyera sa Marawi.

Sinabi ni Dela Rosa na sa oras na magpalabas ng arrest warrant ang korte, hindi na makakaalis ng Pilipinas si Syaputra.

Una nang inamin ni Syaputra na siya ay pumasok sa bansa noon pang November 2016, matapos siyang i-recruit ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) para lumaban sa Marawi.

Samantala, itinanggi ni Syaputra na kilala niya ang Indonesian wife ng terrorist leader na si Omar Maute na nagngangalang Minhati Madrais Maute na nahuli kahapon kasama ang kanilang anim na batang anak.

Expired na ang Indonesian passport na nakuha sa posisyon Minhati.