-- Advertisements --
Argentina Basketball
Argentina Basketball/ FIBA image

Pasok na sa finals ng FIBA World Cup ang Argentina matapos malusutan ang France, 80-66.

Nanguna sa panalo ng Argentina ang tinaguriang beteranong manlalaro ng koponan na si Luis Scola.

Nagtala kasi ang 39-anyos na si Scola ng 28 points, 13 rebounds at dalawang assists.

Sa pagsisimula pa ng laro ay umarangkada kaagad ang Argentina na nagtala ng 10-2 run.

Dahil sa pagkatalo ay makakaharap ng France ang Australia para sa bronze samantalang makikipagtuos ang Argentina sa Spain para sa kampeonato sa Linggo.

Dati nang nagkampeon ang Argentina nang unang isagawa ang World Cup noon pang 1950.

At noong World Cup 2002 Final ay nagmuntikan na silang maging world champion at ngayon ay muling magkakaroon sila ng tiyansa.