VIGAN CITY – Maaari umanong kunin ng gobyerno o ng Korte Suprema ang mga ari-arian ng pamilya Sanchez upang pangbayad-danyos sa pamilya Sarmenta at Gomez.
Ito ay may kaugnayan sa pagmamatigas ni Mrs. Elvira Sanchez na hindi sila magbabayad ng mahigit na P12.6 milyon na danyos sa pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez dahil naniniwala itong walang kasalanan daw ang kaniyang asawa na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni House committee on justice chairman at Leyte Rep. Vicente Veloso maaari umanong maghain ng motion for execution ang mga abogado ng pamilya Sarmenta at Gomez upang maipatupad ang desisyon ng korte hinggil sa pagbabayad ng danyos ng pamilya Sanchez.
Ngunit dahil sa higit limang taon na ang nakalipas mula ng naipalabas ang nasabing desisyon mula sa korte at binabalewala pa lamang ito ng pamilya Sanchez, revival of judgement na umano ang maaaring ihain ng pamilya ng mga biktima.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado, hinikayat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Justice Secretary Menardo Guevarra na habulin ang execution ng civil damages na pananagutan ng pamilya Sanchez.
“I would urge Sec. Guevarra to file the case for execution of civil damages of P12 million. Let them put up the defense that it has prescribed. What is important is that the government should initiate that recovery,” dagdag pang pahayag ni Drilon.