ILOILO CITY- Patuloy na ginagamot sa ospital ang isang lalaki matapos aksidenteng naputukan ng baril ang ari nito sa Barangay Don T. Lutero East, Janiuay, Iloilo.
Ang biktima ay si Elias Catador, 64, residente ng Brgy. Don T. Lutero East, Janiuay, Iloilo.
Ang may ari naman ng baril ay si Delfin Adonador, caretaker ng isang merchandising shop.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Eleazar Climacosa, hepe ng Janiuay Municipal Police Station, sinabi nito na nag-usap si Catador at si Adonador kung saan pinakita ng huli ang kanyang .38 caliber pistol.
Nang ibabalik na sana ni Adonador ang kanyang baril, aksidente itong nahulog.
Dito na at tumama ito sa maselang bahagi ng katawan ng biktima.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng pulisya si Adonador.