-- Advertisements --

Nagsalita na si Ariana Grande sa kanyang mga fans sa kuwento kung bakit ito napaiyak sa kalagitnaan ng pagtatanghal nito sa Estados Unidos noong weekend.

Napansin kasi ng mga fans na napaluha na lamang ito habang inaawit ang kantang REM mula sa kanyang Sweetener album sa Enterprise Center sa St. Louis, Missouri.

Sa kanyang Twitter post na burado na ngayon saad nito na: “I feel everything very intensely and have committed to doing this tour during a time in my life when I’m still processing a lot.

“So sometimes I cry a lot!”

Ayon pa sa “thank u, next” singer, nagpapasalamat daw ito sa “sea of love” na nararamdaman nito sa kanyang paligid.

“No matter how hard it gets or how many feelings come up that are screaming at me to be processed and sorted through one day, I’m grounded by gratitude and promise not to give up on what I’ve started,” saad sa sulat.

Ibinahagi rin daw ni Grande ang liham dahil nais niyang ipabatid sa kanyang fans na hindi sila nag-iisa sa pinagdadaanan nilang mga problema.

Ang breakdown na ito ng 26-year-old singer sa entablado ay kasunod ng nararanasan nitong paghihirap sa loob ng dalawang taon.

Noong Mayo 2017, 22 katao ang namatay matapos ang suicide bombing sa kanyang concert sa Manchester, United Kingdom.

Inamin ni Grande na nakaranas daw ito ng post-traumatic stress disorder mula nang nangyari ang trahedya.

Nito namang 2018, labis na dinamdam ni Grande ang pagpanaw ni Aretha Franklin at ng kanyang ex-boyfriend na si Mac Miller, na namatay dahil sa drug overdose.