-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ini-imbestigahan na ng Baguio City government ang paglabag sa safety protocols at hindi pagsunod ng grupo ng aktor na si Arjo Atayde sa mga alituntunin ng kanilang taping bubble matapos na magpositibo sa COVID-19 ang naturang aktor at siyam pang kasama nito.

Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, 10 sa 100 na crew, kasama na ang aktor, ang nagpositibo sa COVID-19 base sa resulta ng RT-PCR test ng mga ito na isinagawa noong Linggo.

Pinayagan ang film shooting nina Atayde sa Baguio na nagsimula noong Hulyo matapos magpaalam ang grupo kay Magalong at bigyan ng City Health Services Office ng favorable recommendation kasunod ng inspeksion at pagpakita ng grupo ng guidelines para sa kanilang taping bubble.

Gayunman, sinabi ng alkalde na natuklasan nilang lumabag ang mga crew members dahil sa paglabas at pagpasok ng ilan sa mga ito sa lungsod na hindi dumadaan sa triage.

Bigo rin aniya ang grupo ni Atayde na tumupad sa kanilang commitment na buwanang sumailalim sa COVID testing.

Bigla din aniyang umalis si Atayde noong Lunes kasama ang assistant nito na hindi alam ng lokal na pamahalaan at bago pa lumabas ang resulta ng RT-PCR tests ng mga ito.

Gayunman, nagpadala na ang alkalde ng text message kay Atayde tungkol sa mga dapat gawin sa natirang crew nito sa lungsod.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Baguio LGU sa Film Development Council of the Philippines para sa posibleng pagsundo nila sa mga kasama ni Atayde na nagpositibo sa COVID-19 na inilipat sa isang isolation facility ng lungsod.

Bantay-sarado din ang hotel na tinutuluyan ng natitirang crew ni Atayde at sasailalim ang mga ito ng swab test pagkatapos ng limang araw.

Sa ngayon, itinigil na ang taping ng pelikula ni Atayde habang wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ng nasabing aktor.