-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nasampahan na ng pulisya ng patung-patong na kasong kriminal ang anim na armadong kalalakihan na umano’y nagmula pa sa General Santos City at pumasok sa Cagayan de Oro City sakay ng mga nakaw na sasakyan.

Ito ay matapos nakumpiskahan ng pulisya ang mga suspek na limang short firearms na kinabilangan ng caliber .380 pistol; dalawang caliber .40; tig-isang 9mm pistols na may brand na UPP at glock kasama ang maraming bala.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office-10 spokesperson Lt Col Michelle Olaivar na kabilang sa mga kinasuhan ay isang Nilo Baterna Jr., 30; Jalapodden Itto, 34; Ned Labuntog III, 26; Jehad Guindo, 32; Irrey Jun Planas, 37, at Jean Gamil, 40, na pawang mga residente pala sa Lanao del Norte sa Northern Mindanao.

Sinabi ni Olaivar na kabilang sa isinampa na mga kaso laban sa mga suspek ay ang paglabag sa anti-carnapping law, illegal possession of firearms at illegal possession of dangerous drugs act of 2002.

Natuklasan na ang sinakyan ng mga suspek na Toyota Hi-Ace at Ford Raptor ay umano’y pawang mga nakaw din kaya nagpapatuloy pa ang imbestigasyon hinggil dito.

Kabilang sa mga pokus ng imbestigasyon ay kung anong posibleng grupo na konektado ang mga ito at ang pakay kung bakit pumasok sa Cagayan de Oro City.