MIDSAYAP, North Cotabato – Pinaputukan ng mga armadong grupo ang isang punong barangay at mga kasamahan nito sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Midsayap chief of police, Supt. Bernard Tayong, habang nasa sakahan ang grupo ni Barangay Lower Glad Midsayap Barangay Kapitan Nestor Rabara sa Sitio Odsuran, Barangay Mudsing ay namataan nila ang apat na mga armadong kalalakihan.
Nagulat na lamang si Rabara ng sila ay paputukan ng mga suspek gamit ang matataas na uri ng armas dakong alas-10:00 ng umaga kahapon.
Mabuti na lamang at nakadapa ang grupo nina Rabara at hindi tinamaan.
Umatras ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Midsayap nang dumating ang mga tauhan ng 34th Infantry Battalion Philippine Army.
Sinabi ni Tayong, ang mga armado ay miyembro ng pamilya Musa at posibleng napagkamalan lamang ang grupo ni Rabara na kanilang kaaway.
Noong nakalipas na linggo lamang ay isa ang nasawi nang magpang-abot ang pamilya Musa at Sugod na may matagal nang iringan sa kanilang pamilya dahil sa lupa nitong sinasaka.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa naturang pangyayari.