-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang armadong suspek matapos magpakilala bilang isang pulis sa isang quarantine checkpoint ng Iligan City.

Kinilala ni Iligan City Police Office – City Police Director Police Colonel Rolando Cuya ang suspek na si Saidamen Baguan Decampong, residente ng Papandayan, Caniogan, Marawi City.

Aniya, nagmatigas ang suspek na tumigil sakay sa kanyang multicab nang parahin ng mga nakabantay na tropa ng ICPS-2 at ng mga elemento ng RMFB-10 sa Quarantine Control Point, Brgy Maria Cristina, dahil sa kuwestionableng kasuotan nito na naka-PNP bull cap, may dalang armas at naka-camouflage jacket.

Nauwi sa habulan at madugong engkwentro ang pag-neutralize sa suspek.

Laking gulat ng pulisya nang makita nila sa posisyon ng suspek at sa loob ng kanyang sasakyan ang 9mm pistol, isang 9mm steel magazine, siyam na piraso ng 9mm bala; tatlong M-16 fired cartiges, RA 9165 Intelligence badge; at NBI clearance ng suspek.

Walang nakuhang ebidensya ang investigating team ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nagpapatunay na isang pulis ang na-engkwentro ng tropa ng ICPO-2 at RMFB-10.

Narekober sa crime scene ang 29 piraso ng m-16 fired cartriges, kung saan naganap ang habulan at crossfire.

Kabilang na ang dalawang 9mm fired bullet at isang 9mm fired cartridge case.

Wala namang sugatan sa kampo ng mga pulis.