DAVAO CITY – Nagsagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya at militar sa tunay na pagkatao ng isang pulitiko na nagmamay-ari ng armas na kabilang sa isinuko ng mga miyembro ng New People’S Army (NPA) sa Kolonsabak, Matanao, Davao del Sur.
Isinuko ang mga armas ng mga rebelde sa mga miyembro ng Matanao Police Station at 39th Infantry Battalion sa Kolonsabak.
Tatlong mga NPA ang sumuko sa Kolonsabak kung saan isang ka Jay ang may dalang baby armalite at sa ginawang beripikasyon sa firearms and explosive office, ang armas na isinuko ng rebelde ay pagmamay-ari raw ng public official ng Davao del Sur.
Napag-alaman din na ang nasabing armas ay kare-renew lamang ang rehistro nito noong Enero 2019 at mapapaso pa sa 2023.
Hindi pa pinangalanan ng mga alagad ng batas kung sino ang pulitiko na nagmamay-ari ng armas na isinuko ng isang NPA.