Nagsagawa ng joint maritime drills ang Armed at Defense forces ng Pilipinas, Amerika, Australia, Japan at New Zealand sa exclusive economic zone ng Pilipinas ngayong araw ng Sabado, Setyembre 28.
Kinumpirma ito ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa isang statement.
Aniya, nagpapakita ang pinagsamang pwersa ng nasabing mga bansa ng kolektibong commitment para palakasin pa ang regional at international cooperation bilang suporta sa malaya at bukas na Indo-Pacific.
Sinabi din ng AFP chief na nag-operate ng magkakasamaa ang naval at air force units ng mga kalahok na bansa para sa pagpapahusay pa ng kooperasyon at interoperability sa pagitan ng kani-kanilang Hukbong Sandatahan.
Isinagawa din aniya ang aktibidad nang alinsunod sa international law at nang may pagsasaalang-alang sa kaligtasan sa paglalayag at karapatan at interes ng ibang mga estado.
Ayon pa sa AFP, ang naturang joint sail ay nagpapakita ng commitments ng mga bansa sa pag-papairal sa kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid, lehitimong paggamit sa dagat at international space gayundin paggalang sa maritime rights sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Sea.
Hindi naman binanggit ng AFP chief ang mga kalahok na assets ng bansa subalit ayon sa Australian Defense Mionistry, kasama sa pagsasanay ang kanilang His Majesty’s Australian Ship (HMAS) Sydney at Royal Australian Air Force P-8A Poseidon maritime patrol aircraft.
Ang naturang pagsasanay ay ang ikaapat na Multilateral Maritime Cooperative Activity ngayong taon. Ang unang pagsasanay ay isinagawa noong Abril sa EEZ din ng PH kasama ang US, Japan at Australia. Sinundan ito noong Hunyo at Agosto.