-- Advertisements --
EDCA

Looking forward daw ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maipagpatuloy ang kanilang pakikipagtrabaho sa Estados Unidos matapos ang kasunduan ng Pilipinas sa United States na magtalaga ng apat pang sites sa bansa para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa isang statement, sinabi ng Armed Forces of the Philippines na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ay collaborative agreement na magiging daan para sa dalawang bansa na madagdagan ang joint training opportunities, humanitarian assistance at disaster response (HADR) capability maging ang rotational activities para mapalakas ang interoperability sa pagitan ng armed forces.

Sinabi pa ng armada puwersa ng bansa na mayroon nang limang inisyal na lugar na napagkasunduan ang dalawang bansa at ang apat na bagong sites ay gagamitin ng United States at Philippine forces para sa kanilang joint operations para ma-facilitate at mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa sa enhance security cooperation, joint training at humanitarian assistance at disaster response operation.

Nakasaad din dito ang establishment o enhancement ng mga kasalukuyang pasilidad ay popondohan ng US Government at saka iti-turn over sa gobyerno ng bansa.

Kung maalala, sa joint press conference sa pagitan ni US Defense Secretary Lloyd Austin III at Department of National Defense chief Carlito Galvez Jr., hanggang sa ngayon ay hindi pa raw nila matukoy ang eksaktong lokasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement sites.

Ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ay pinirmahan noong 2014 at sa pamamagitan nito ay nabigyan ng permiso ang mga tropa ng pamahalaan na ma-access ang mga designated Philippine military facilities.

Nabigyan din sila ng karapatang magtayo ng mga pasilidad sa bansa at mag-pre-position ng mga equipment, aircraft at vessels pero hindi naman daw ito permanenteng mga base militar.

Ayon sa Department of National Defense, ang Pilipinas at Estados Unidos ay nangako ring pabibilisin ang pagdedesisyon sa mga plano at investments para sa bago at ang existing Enhanced Defense Cooperation Agreement locations.

Sa ngayon, naglaan na ang Estados Unidos ng nasa $82 million o katumbas ng P4.4 billion na infrastructure investments sa limang existing limang sites sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Ang initial five predetermined sites ay matatagpuan sa Antonio Bautista Air Base sa Palawan malapit sa West Philippine Sea, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.