-- Advertisements --
image 211

ILOILO CITY- Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines na hindi martial law o batas-militar ang ipinapatupad sa Negros Oriental kasunod ng assassination ni Governor Roel Degamo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brigadier General Marion Sison, commander ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army at head ng Special Joint Task Force Negros na binuo ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, sinabi nito na ang deployment ng militar at pulis sa Negros Oriental ay bahagi lamang ng hakbang ng pamahalaan na proteksyunan ang publiko.

Una nang inanunsyo ng Negros Oriental Provincial Police Office ang pagpatupad ng gun ban sa nasabing lalawigan.

Ang pinapayagan lamang na magdala ng armas ay ang mga myembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at iba pang kasapi ng law enforcement agencies na naka-uniporme at nagpe-perform ng official duties.

Sinabi na rin ni Defense Officer-in-Charge Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. na hindi pa maituturing ang degree ng event na kailangan ang state of emergency o martial law sa nasabing lugar.